Reyes sibak na sa Fujairah
MANILA, Philippines - Tapos na ang kampanya ng 2004 champion Efren “Bata” Reyes sa idinadaos na 2011 World 8-ball Pool Championships sa Fujairah Exhibition Center, Fujairah, UAE.
Hindi kinaya ni Reyes na tinaguriang “The Magician” at nagmula sa produktibong kampanya noong nakaraang taon, ang ipinakitang husay ni Joven Alba upang isuko ang 5-9 kabiguan.
Unang round ito sa race to 9 knockout format main draw at nakasama pa ni Alba mula sa Pilipinas na nakaabante ay si 2007 champion Ronato Alcano na manlalaro na ng Negros Billiards Stable.
Si Alcano ay pinagpahinga na si Shaker Wahdan, 9-2, sa round of 64.
Nag-bye naman sa first round sina Antonio Lining at Oliver Medinilla matapos mapangunahan ang kanilang grupo sa group elimination habang lalaban pa sa first round sina Dennis Orcollo, Roberto Gomez, Lee Van Corteza, Joven Bustamante, Rodolfo Luat, Ramil Gallego at Francisco Felicilda.
- Latest
- Trending