Slammers hinubaran ng titulo ang PHL Patriots via 2-0 sweep
MANILA, Philippines – Pinatunayan ng Chang Thailand Slammers na sila ang pinakamahusay na koponan sa AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) Season II nang kunin ang 75-68 panalo sa Philippine Patriots sa Game Two ng Finals kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Bumigay ang naunang matikas na paglalaro ng Patriots sa ikaapat at huling yugto para masayang ang naunang ipinundar na 14 puntos kalamangan at makitang mawala ang hawak na titulo sa pamamagitan ng di inaasahang 2-0 sweep sa best-of-three Finals.
“It has been my goal to help Thailand develop its basketball program and this is the fruit of it,” wika ni Thai-Filipino coach Raha Mortel.
Ang pinakawalang ikaapat na tres ni Benedict Fernandez ang nagresulta sa huling tabla sa laro na 63-all pero hindi nakadepensa nang husto ang Patriots para makapagsanib sina Froilan Baguion, Jason Dixon, Chris Kuete at Attanaporn Lertmalaiporn ng pamatay na 9-0 bomba.
Si Baguion na noong nakaraang taon ay naglaro sa Patriots ang bumandera sa koponan sa kanyang 19 puntos habang ang isa pang Filipino import Ardy Larong ay mayroong 15.
May 13 puntos at 10 rebounds si Dixon habang si Kuete ay nagbagsak ng 11 sa kabuuang 12 sa laro sa huling yugto.
Tanging si Fernandez ang kuminang sa opensa ng Patriots sa kanyang 16 puntos mula sa 6 of 13 shooting pero ang ibang kakampi ay bumigay o di kuminang.
Si Gabe Freeman ay mayroon ding 16 puntos pero bokya siya sa huling 10 minuto ng labanan.
Sina Warren Ybañez at Egay Billones ay nangapa rin nang nagsanib lamang sa 5 of 19 shooting at sila rin ay nagkaroon ng mga miscues sa endgames dahilan upang masayang ang ball possessions ng Patriots.
Dahil sa matatag na paglalaro sa kabuuan ng liga, si Dixon ang hinirang uli bilang Best Import nang kunin ang ikalawang kampeonato sa liga.
Unang titulo nito ay nanggaling sa Patriots katuwang ni Gabe Freeman.
- Latest
- Trending