Azkals seeded na sa 2012 AFF Suzuki Cup
MANILA, Philippines – Dahil sa ipinakitang husay ng paglalaro, hindi na dadaan sa qualifying stages ang Pilipinas para sa 2012 ASEAN Football Federation (AFF) Suzuki Cup.
Ipinarating ng AFF kay Philippine Football Federation (PFF) president Mariano “Nonong” Araneta ang desisyon na ipasok na agad sa main draw ang Azkals matapos ang magandang ipinakikita sa larangan ng football.
“The AFF recognizes the capability of the Azkals and we’re happy that they seeded us for e first time in the Suzuki Cup. The efforts and hardwork of the team headed by Dan Palami are really paying now,” masayang binanggit ni Araneta matapos dumalo sa AFF Council meeting kahapon sa Malaysia.
Makakasama na ng Pilipinas ang Vietnam, Indonesia, Thailand, Singapore at nagdedepensang Malaysia sa main draw sa 2012.
Bago nakuha ang estadong ito ay kinailangan muna ng Azkals na ipakita ang kanilang kalidad nang dumaan sila sa qualifying round bago nakapasok sa tournament proper sa unang pagkakataon noong 2010.
Tumapos nga sa ikalawang puwesto ang Azkals sa round robin elimination kasama ang Laos, Timor Liste at Cambodia bago nakaabante sa semifinals nang talunin ang Vietnam, 2-0, at tablahan ang Singapore (1-1) at Myanmar (0-0).
Hindi naman kinaya ng Pilipinas ang husay ng Indonesia nang matalo sila sa 1-0 iskor sa dalawang paghaharap.
Kasalukuyan namang kumakampanya ang Pilipinas sa AFC Challenge Cup at nakauna nga sila sa Mongolia sa pamamagitan ng 2-0 panalo na nilaro sa Panaad Sports Complex sa Bacolod City.
- Latest
- Trending