Bolts nawalan ng power sa Kings, Brumfield nagpasikat
MANILA, Philippines - Hindi siya isang ‘flashy’ import. Ngunit epektibo siya para sa Gin Kings.
Nagtala ng 21 points, tampok ang perpektong 11-of-11 freethrow shooting, sa first half bago tumapos na may 32 markers, tinulungan ni Nate Brumfield ang Barangay Ginebra sa 115-98 panalo kontra Meralco sa pagbubukas ng 2010-2011 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ilocos Norte Centennial Arena sa Laoag City.
Ang 6-foot-3 9/16 na si Brumfield ang naging sandigan ng Gin Kings sa first half kung saan sila nagtumpok ng isang 15-point lead, 48-33, sa 5:15 ng second period bago ibinaon ang Bolts sa 52-35 sa 4:08 nito galing sa split ni William Wilson.
Ipinoste ng Ginebra ang isang 24-point advantage, 72-48, sa 8:26 ng third quarter buhat sa jumper ni Mark Caguioa at inulit ito sa 83-59 sa huling 3:28 mula sa isang three-point play ni Ronald Tubid kay Ren-Ren Ritualo, Jr.
Sa likod nina Sol Mercado, Asi Taulava at import Tony Danridge, isang 17-4 atake ang ginawa ng Meralco upang ilapit ang laro sa 76-87 sa 11:47 ng final canto.
Ngunit ito na ang naging huling hirit ng Bolts ni Ryan Gregorio.
Mula sa pagbibida nina Brumfield, Willie Miller at Wilson, isang 12-0 bomba ang inihulog ng Gin Kings ni Jong Uichico upang muling makalayo sa 99-76 sa 8:39 ng labanan patungo sa kanilang tagumpay.
Ang 240-pounder na si Brumfield ay produkto ng Oklahoma Baptist University at iginiya ang Bison sa korona ng NAIA (National Association of Intercollegiate Athletics) Division I title noong nakaraang taon.
- Latest
- Trending