Pacquiao, Mosley nag-asaran
MANILA, Philippines – Hindi man nagkarooon ng matitinding iringan ay nagbigayan din ng patutsada sina Manny Pacquiao at Shane Mosley sa isa’t isa sa unang Press Tour kahapon sa Rodeo Ballroom sa Beverly Hills Hotel, California.
Unang nagsalita si Mosley at habang pinuri niya si Pacquiao dahil sa angking tapang at husay sa ring, ay sinabayan din nito ang pagtitiyak na siya ang taong tatalo sa Pambansang kamao.
Nang si Pacquiao ang tumayo upang magsalita ay kanyang inihayag ang kahandaang magsanay ng husto dahil hindi siya nagkakaroon ng anumang kumpiyansa sa gagawing pagdepensa sa hawak na WBO welterweight title sa Mayo 7 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
“Sugar Shane is a good fighter and he’s a champion so I will never underestimate him. I hope you train hard for this fight because I’m going to train hard,” wika ni Pacquiao na nagresulta upang magtawanan ang halos 300 mamamahayag at bisita na dumalo sa pagtitipon.
Maging si Roach na naunang nagsabing matutulog sa laban si Mosley ay hindi gaanong nagpahayag ng mga maiinit na pananalita.
“We have an opponent with a different style and we’ve come up with a game plan. To say that this is an easy fight is the worst thing in the world to say. Shane has been there many times. He’s fighting Manny Pacquiao, he will fight the best fight of his life out there and we will not underestimate him. Shane, we will not do that, I promise you,” sabi naman ni Roach.
Ang laban ay umani ng mainit na pagtugon sa mga boxing fans matapos pumalo sa 16,000 ang nabenta noong nakaraang linggo. Ang Showtime Network sa pamamagitan ng CBS ang siyang magsasaere ng laban at agad ngang pinag-init ang unang tambalan ng network at Top Rank nang ipalabas ng live ang nasabing press conference sa CBS.
Matapos ito ay lilipat pa ang Press Tour sa Las Vegas, New York at Washington na kung saan inaasahang makikipagkita si Pacquioa, Kongresista rin ng Sarangani kay US President Barack Obama.
- Latest
- Trending