Patriots 'di apektado ng homecourt advantage ng Slammers
MANILA, Philippines - Hindi binibigyan ng halaga ni coach Louie Alas ang mga bagay-bagay na hindi nila makokontrol.
May mga balitang nakarating sa Philippine Patriots coach na sasagarin ng Chang Thailand Slammers ang pagkakaroon ng mahalagang homecourt advantage sa Finals ng AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) na sisimulan na sa Linggo sa Bangkok.
Tinapos ng Slammers ang triple-round elimination taglay bilang number one team sa anim na naglaro upang magkaroon ng homecourt advantage sa maigsing best-of-three Finals series.
“Sinabi ni team manager Erick Arejola na maaaring hindi ipagamit sa amin para makapagsanay ang main venue na gagamitin sa Finals. Isa ito sa bentahe ng host at ang mga bagay-bagay na wala sa control namin ay hindi ko na iniisip kasama na ang crowd,” wika ni Alas.
Nais ng Patriots na makagawa ng kasaysayan sa regional league dahil unang koponan na makakadalawang sunod na ABL titles ang kanilang magagawa kung manalo sa Thailand.
“Deserving ang Thailand. Una tinalo tayo twice tapos ang Singapore na tough team ay tinalo din nila. Pero ako, upbeat ako sa Finals na ito dahil ang chemistry ng team ay iba na and we will not go there to just die. Kung kailangang makipagkagatan, makikipagkagatan ang team. Rest assured lalaban sila ng sabayan,” dagdag pa ni Alas.
Sa Biyernes aalis ang koponang pag-aari nina Dr. Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco patungong Thailand upang magkaroon ng isang araw na pahinga bago ang labanan.
Patuloy ang pagsasanay ng koponan pero hindi nila makakasama si Gabe Freeman na may iniindang sprained left ankle na nangyari sa game two pa ng semis series laban sa KL Dragons.
Sa kanyang palagay, magkakatapatan ang mga imports ng Patriots na kinapapalooban din ni Steve Thomas at ng Slammers na sina Jason Dixon at Chris Kuete kaya’t ang key sa serye ay ang ipakikita ng mga locals.
- Latest
- Trending