MANILA, Philippines - Hindi sinasadyang magkrus ang landas nina Bob Arum ng Top Rank Promotions at undefeated fighter Floyd Mayweather Jr. sa Cowboys Stadium para sa laro ng Green Bay Packers at Pittsburgh Steelers sa Super Bowl sa Arlington, Texas kahapon.
Nakasama nina Arum at Mayweather sa owner’s box sina dating Secretary of State Condoleeza Rice, former President George W. Bush, entertainer Jamie Foxx at iba pang VIPs.
“It broke the ice with Floyd, that’s what it did . It was nice, Floyd came over and hugged us,” litanya ni Arum sa kanilang pagkikita ng 33-anyos na world six-time boxing champion. “Floyd was extremely cordial, very friendly and he just couldn’t have been nicer. He was very congenial to us and everyone else. And we all watched a good game.”
Si Arum ang dating promoter ni Mayweather sa Top Rank Promotions bago sila naghiwalay noong 2006.
Bagamat nagkausap habang nanonood ng laro, hindi naman binuksan ni Arum ang posibleng megafight nina Filipino world eight-division titlist Manny Pacquiao at Mayweather.
Matatandaang dalawang beses umatras si Mayweather sa negosasyon mula sa usapin sa prize money hanggang sa pagsasailalim nila ni Pacquiao sa isang random drug testing.
“I talked to Floyd a little“Everybody was having a great time so we didn’t talk about boxing,” dagdag pa ng promoter.
Nakatakdang bumiyahe ngayong araw si Pacquiao patungong United States para sa kanilang U.S. press tour ni Sugar Shane Mosley.
Itataya ng Sarangani Congressman ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban sa 39-anyos na si Mosley sa Mayo 7 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Sa Pebrero 15 naman posibleng magkita sina Pacquiao at US President Barack Obama sa final stop ng press tour sa Washington D.C..
“Ipapakilala ko kay President Barack Obama ang bansang Pilipinas,” ani Pacquiao, ang kanyang video clip sa MTV Cribs ay umabot na sa 1,385,403 views sa Youtube.