Bilis ni Pacquiao magiging problema ni Mosley - Ariza
MANILA, Philippines – Gaya ng mga nakalaban ni Manny Pacquiao, magiging problema rin ni Sugar Shane Mosley ang bilis na taglay ng natatanging world eight-division champion sa kanilang pagkikita sa Mayo 7.
Ito ang paniniwala ni conditioning coach Alex Ariza na kumbinsidong mananalo pa rin si Pacquiao sa labang gagawin sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Nakataya sa labanang handog ng Top Rank ang WBO welterweight title ni Pacquiao at ang fight weight ay nasa 147 pounds.
Pero kahit nasa ganito ang timbang, hindi naniniwala si Ariza na masasabayan ng 39-anyos na si Mosley ang bilis na taglay ni Pacman.
Ipinunto niya ang huling laban ni Mosley kay Floyd Mayweather Jr. na kung saan napahirapan ito sa bilis ng walang talo at dating pound for pound king na katunggali.
“To me, it boils down, if you can’t handle a guy who throws twenty punches a round like Mayweather, how can you handle a guy who throws120 punches a round? I mean, its pretty academic isn’t it?” wika ni Ariza sa panayam ni Chris Robinson ng Boxing Examiner.
Ipinagmamalaki ni Mosley na di tulad ng mga naka-laban ni Pacquiao, siya ay may bilis na kayang gamitin upang masorpresa ang Pambansang kamao.
Ang mga huling laban ni Pacquiao noong 2010 ay kontra sa mas malalaking sina Joshua Clottey at Antonio Margarito kung saan umukit siya ng magkatulad na unanimous decision win.
Pero maliban sa bilis ng kamao, naipakita rin ni Pacquiao ang kanyang lakas dahil putok ang mukha ni Margarito at nabasag nga ang eye socket nito dala ng mga power punches na tinamo.
Hindi naman magku-kumpiyansa ito sa gagawing paghahanda kay Pacquiao kasama ni trainer Freddie Roach dahil alam niyang maaaring makadisgrasya si Mosley kung magpapabaya.
Sa Baguio City magsisimula ang ensayo ni Pacquiao sa Marso 7 at matapos ang apat na linggo ay tutulak na ang Team Pacquiao patungong Wild Card gym.
- Latest
- Trending