MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay iniisip na ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang pag-akyat ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. sa mas mataas na weight division sakaling maging maganda ang kanilang upakan ni Mexican world bantamweight champion Fernando “Cochulito” Montiel.
“If this is a great fight, I’ll move them both to 122 pounds for a rematch,” sabi ni Arum sa kanyang gagawin matapos ang Donaire-Montiel championship fight sa Pebrero 19 sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Itataya ni Montiel ang kanyang mga suot na World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight titles laban kay Donaire.
Bitbit ng 31-anyos na si Montiel ang kanyang 43-2-2 win-loss-draw ring record kasama ang 33 KOs, samantalang taglay naman ng 27-anyos na si Donaire ang 25-1-0 (17 KOs) slate.
Hindi pa natatalo si Montiel sapul noong 2006 kung saan walo sa kanyang 10 laban ay sa pamamagitan ng stoppage. Noong 2010 ay apat na panalo naman sa pamamagitan ng KO ang itinala ng Mexican, kasama rito ang isang fourth-round stoppage kay Japanese southpaw Hozumi Hasegawa sa Tokyo, Japan.
Asam naman ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire na maagaw kay Montiel ang suot nitong WBC at WBO bantamweight crowns sa likod ng kanyang nine-year, 24-fight winning streak.