Pacquiao kayang ibigay kay Mosley ang unang KO na kabiguan--Roach
MANILA, Philippines – Kung ang hamon para kay Sugar Shane Mosley sa pagharap kay Manny Pacquiao ay patunayan na kaya pa niyang ipagpatuloy ang boxing career sa edad na 39, ang inspirasyon naman ng 32-anyos na si Pacquiao ay maging kauna-unahang boksingero na hihirit ng knockout win sa matibay na katunggali.
Aminado si trainer Freddie Roach na mahirap na laban ang susuungin ni Pacquiao pero tulad sa mga huling laban ng Pambansang kamao ay nakikita pa rin ng batikang trainer ang napipintong panalo uli ng kauna-unahang 8-division champion ng mundo.
“Shane is a very durable guy. He has a good chin and it won’t be easy. But I think we can stop him in the later rounds,” wika ni Roach.
Hindi birong kalaban si Mosley dahil may mga pa-ngalan ang nakasagupa nito. May 54 professional fights na ito at nanalo ng 46 laban kasama ang 39 KO panalo.
Kasama sa mga tinalo na ni Mosley ay sina Oscar De La Hoya, Fernando Vargas, Ricardo Mayorga at Antonio Margarito.
Ang mga tumalo naman sa kanya ay ang mga de-kalibreng sina Vernon Forest, Ronald ‘Winky’ Wright, Miguel Cotto at Floyd Mayweather Jr.
Dalawang beses niyang sinagupa sina Forest at Wright at ang lahat ng kabiguang ito ay nangyari lamang sa pamamagitan ng decision.
“This won’t be an easy fight. Mosley has fought some of the biggest name in the sport. We will prepare hard for this fight and we’re not taking any opponent lightly,” dagdag pa ni Roach.
Ang labang ito ay itinakda sa Mayo 7 sa MGM Grand sa Las Vegas at itataya ni Pacquiao ang hawak na WBO welterweight title sa ikalawang pagkakataon.
Napanalunan ni Pacquiao ang titulo noong Nobyembre 14, 2009 nang talunin si Cotto sa pamamagitang ng 12th round TKO.
Idinepensa niya ang welterweight belt kay Joshua Clottey ng Ghana noong Marso 13 at napanatili ito sa pamamagitan ng unanimous decision.
Huling laban ng Kongre-sista ng Sarangani Province ay noong Nobyembre 13 sa Cowboys Stadium sa Arlington Texas at dinurog niya ang maalamat na si Antonio Margarito sa unanimous decision para kunin ang bakanteng WBC light middle weight upang maiangat sa walo ang dibisyon na pinagharian na ni Pacquiao.
Mismong si Mosley ay nagsabi na kaya niyang manalo kay Pacquiao kahit wala siyang naipanalo sa dalawang labang hinarap sa 2010.
Bigo siya kay Mayweather.
- Latest
- Trending