MANILA, Philippines - Napatalsik sa laro ang third leading scorer sa torneo na si PJ Simon sa first period at may iniindang back spasm si two-time PBA Most Valuable Player James Yap.
Ngunit sa kabila ng mga ito, tinalo pa rin ng nagdedepensang Derby Ace ang Meralco, 92-73, para makalapit sa inaasam na No. 4 berth sa quarterfinal round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Nagsalpak si KG Canaleta, may 3.3 points per game average lamang sa torneo, ng apat na three-point shots sa fourth period para tumapos na may 22 markers para sa Llamados kasunod ang tig-13 nina James Yap at Jonas Villanueva at 10 ni Don Allado.
“Kailangang mag-stepped up. Siguro tinulungan rin ako ni Lord eh, kasi nagsimba ako sa Baclaran kagabi (Martes),” ani Canaleta, humugot ng 12 points sa final canto na lahat ay mula sa three-point range para sa kanyang 6-of-7 shooting clip sa rainbow area.
Bitbit ng San Miguel ang liderato at ang una sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals sa kanilang 11-3 baraha kasunod ang Barangay Ginebra (9-3), Talk ‘N Text (9-3), Derby Ace (7-6), Meralco (6-6), Alaska (6-7), Rain or Shine (5-6), Air21 (5-7) at mga talsik nang Powerade (3-10) at Barako Bull (2-11).
Nawala sa laro si Simon, ang third leading scorer ng torneo sa kanyang 18.8 point per game average, matapos mapatawan ng Flagrant Foul Penalty 2 (F2) nang batuhin ng bola si Menor sa kanyang salaksak sa 8:23 ng opening quarter.
Matapos makalapit ang Bolts, nasa isang two-game losing skid ngayon, sa pagsisimula ng third period, 45-53, kinuha ng Llamados ang isang 15-point lead, 67-52, sa 3:29 nito mula sa basket ni James Yap.
Itinala ng Derby Ace ang pinakamalaki nilang bentahe sa 21 puntos, 92-71, laban sa Meralco sa huling 1:39 ng fourth quarter galing sa jumper ni Romel Adducul.
“We just have to win against Barako Bull on Friday to get that No. 4,” sabi ni coach Jorge Gallent sa laban ng kanyang Llamados sa Energy Boosters. “But we cannot relax against them. They are a very talented team and we cannot take them for granted.”
Tinalo na ng Llamados ang Bolts sa first round, 75-71.