Francisco 'di natatakot kay Cazarez
MANILA, Philippines - Hindi natatakot si Drian Francisco na harapin si Mexican WBA super flyweight champion Hugo Fidel Cazarez na posibleng mangyari sa buwan ng Abril.
Sa pagdalo ni Francisco at promoter Elmer Anuran sa PSA Forum kahapon, sinabi nitong bagamat magulang kung maglaro si Cazarez ay naniniwala naman siya na sapat ang kaalaman niya upang talunin ito.
“Fighter siya at beterano kung lumaban. May lakas din dahil may 24 knockout siya. Pero kung ano ang pagsasanay na ginagawa ko sa mga nagdaang laban, walang mababago ito. Magdadagdag lang ako malamang sa stamina para maging handang handa sa laban,” wika ni Francisco.
Nakuha ng 28-anyos na boksingero ang karapatang lumaban sa world title nang manalo siya sa pamamagitan ng 10th round TKO laban kay Duangpetch Kokietgym sa Bueng Kan, Thailand nitong Nov. 30.
“Malaki ang nagawa ng panalong ito sa kumpiyansa ko dahil unang panalo ko ito sa unang laban sa labas ng bansa. Mas mataas na ang kumpiyansa ko ngayon,” dagdag pa nito.
Kung susuwertehin, posibleng mailagay ang title fight ni Francisco bilang undercard sa laban nina Manny Pacquiao at Sugar Shane Mosley sa Abril.
“Tutungo ako sa US sa Huwebes upang alamin ang mga magiging plano. Pero dahil matagal pa ang laban ni Drian, planong kong isabak muna siya sa isang tune-up fight sa bansa para mabigyan pa ng pagkakataon ang mga tumatangkilik sa kanya na makita siya bago lumaban sa world title,” pahayag naman ni Anuran.
Para matuloy ang title fight na ipinoporma, kailangan naman munang manalo ni Cazares kay Hiroyuki Hisakata ng Japan sa title defense sa Disyembre 13 sa Osaka.
- Latest
- Trending