MANILA, Philippines - Hindi na makapaghintay si Drian ‘‘Gintong Kamao’’ Francisco na harapin si Duangpetch Kokietgym ng Thailand para sa WBA interim super flyweight crown sa Nobyembre 30 sa Bueng Kan, Thailand.
Dumating na ang Team Francisco, pinamumunuan ni Saved by the Bell Promotions president at Francisco manager Elmer Anuran, sa Bangkok noong Nobyembre 22 para lalo pang pagandahin ang kondisyon ng Pinoy boxer.
“Handang-handa na akong makalaban siya,” sambit ni Francisco, nagbabandera ng 19-0-1 win-loss-darw ring record kasama ang 15 KOs kumpara sa matayog na 52-1-1 (21 KOs) card ng beteranong si Kokietgym.
Bantog si Kokietgym bilang berdugo ng mga Pinoy boxer.
Siyam na pinoy fighters na ang nagiging biktima ng Thai warrior kung saan ang pinakahuli ay si Edwin Tumbaga na pinabagsak niya sa second round para sa matagumpay na pagdedepensa ng kanyang Pan Asia Boxing Association super flyweight crown.
Si Francisco naman ang kasalukuyang WBA super flyweight international champion at No. 1 challenger ni Mexican Hugo Cazares.
Ang sinumang mananalo kina Francisco at Kokietgym ang siyang lalaban kay Cazares sa susunod na taon.
“Talagang ibibigay ko ang lahat upang talunin si Duangpetch sa kanyang teritoryo,” pangako ni Francisco.