MANILA, Philippines - Nalagpasan ng Express ang mainit na gabi ni Gary David para sa Tigers upang wakasan ang kanilang three-game losing slump.
Humugot si Ronjay Buenafe ng 10 sa kanyang 14 points sa fourth quarter at isinalpak ang dalawang mahalagang freethrows sa huling 12.6 segundo sa overtime period para tulungan ang Air21 sa 98-94 paggupo sa Powerade sa elimination round ng 2010-2011 PBA Philippine Cup kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
“Kumpiyansa lang ako,” sambit ni Buenafe, nalimita sa 2 points sa first half para sa Express. “Sa first half kasi medyo madikit ‘yung depensa nila, kaya nahirapan talaga ako.”
May 4-6 rekord ngayon ang Air21 sa ilalim ng San Miguel (8-2) Barangay Ginebra (6-2), Talk ‘N Text (6-3), Rain or Shine (4-4), Meralco (4-5), Alaska (4-5) at nagdedepensang Derby Ace (4-5) kasunod ang Powerade (3-7) at Barako Bull (2-7).
Huling nanalo ang Express noong Nobyembre 3 matapos igupo ang Tigers, 102-95, bago nahulog sa isang three-game losing slide.
Nasa isang four-game losing slump naman ngayon ang Powerade, nakakuha ng conference-high 36 markers kay Gary David, makaraang gitlain ang Bolts, 81-66, noong Oktubre 30.
Mula sa 31-27 lamang sa first period, itinayo ng Tigers ang isang 11-point lead, 40-29, sa 9:00 sa second quarter bago naaagaw ng Express ang unahan, 79-72, sa 6:33 ng final canto.
Nagtuwang naman sina David, Paolo Mendoza, RJ Rizada at Will Antonio upang ibigay sa Powerade ang 87-80 abante sa 2:11 nito. Isang 10-3 atake ang ginawa ng Air21, tampok rito ang dalawang three-pointers ni Buenafe, para itabla ang laro sa 90-90 sa huling 22.7 segundo papunta sa extension period.
Air21 98 - Al-Hussaini 22, Buenafe 14, Quinahan 13, Gonzales 13, Matias 8, Najorda 8, Guevarra 6, Urbiztondo 5, Arboleda 3, Baclao 2, Arellano 2, Sharma 2.
Powerade 94 - David 36, Espino 14, Rizada 8, Antonio 8, Macapagal 7, Gonzales 6, Reyes 5, Enrile 4, Ritualo 3, Mendoza 3, Anthony 0.
Quarters: 27-31, 50-51, 66-70, 90-90, 98-94.