RP delegation sa Asiad ipina-insured ng PSC
MANILA, Philippines - Walang dapat ipag-alala ang mga manlalaro sa kanilang ginagawang paghahangad na mabigyan ng karangalan ang bansa sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China.
Bukod sa mga pinansiyal na gantimpala na nakasaad sa Incentives Act sa bawat medalyang mapapanalunan ng mga manlalaro, sila rin ay binigyan ng insurance ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni chairman Ricardo Garcia sakaling may di magandang mangyayari sa kanila habang nasa China.
Kinuha ng PSC bilang katuwang ang Standard Insurace Co., Inc. na siyang nagbigay ng insurance hindi lamang sa 188 atleta kungdi maging sa iba pang kasapi ng 282-katao Pambansang delegasyon.
Ang group insurance na pumalo sa humigit-kumulang na P200,000 ay magbibigay ng mga benepisyong medical, kasama nga ang dental, kung kakailanganin ng isang atleta o kasapi sa delegasyon habang nasa Guangzhou.
Bukod ito sa accident insurance sa ginagawang pagbiyahe patungong Guangzhou at sa kanilang pabalik ng Pilipinas at pagbibigay kompensasyon sakaling mawala ang mga maleta o mahuli ito ng dating sa dapat na patunguhan.
Ang sakop nito ay mula sa Nobyembre 12 hanggang 27 o habang idinadaos ang tuwing apat na taong kompetisyon sa rehiyon.
Ginawa ito ng PSC dahil sa bagong pamunuan, una sa kanila ang kapakanan ng mga atleta na siyang itinuturing ngayon bilang mga makabagong bayani ng bansa.
Hanap ng 188 atleta na mahigitan ang apat na ginto, anim na pilak at siyam na bronze medal na naihatid ng delegasyong lumaban sa 2006 Doha Asiad.
- Latest
- Trending