Biado No. 1 sa moneymaker list
MANILA, Philippines — Umarangkada sa No. 1 spot si world champion Carlo Biado sa moneymaker list ng Az Billiards.
Inokupahan ni Biado ang unang puwesto matapos magkampeon sa World Pool 9-Ball Championship na ginanap sa Jeddah, Saudi Arabia noong nakaraang linggo.
Nasungkit ni Biado ang kampeonato nang itakas nito ang dikdikang 15-13 panalo laban kay 2024 champion Fedor Gorst ng Amerika sa kanilang finals showdown.
Naibulsa ni Biado ang tumataginting na $250,000 upang upuan ang top spot sa moneymaker list.
“I’m over the moon—I still can’t believe I’m a two-time World Champion. It means everything to me. I’m so proud to bring this trophy home to the Philippines,” ani Biado.
Ito ang pinakamalaking bulto na ng napanalunan ni Biado sa taong ito — malayo sa kanyang mga kinita sa ibang torneo.
Nagkasya lamang sa $4,000 si Biado sa kanyang ninth place finish sa UK Open habang may $3,000 itong kinita sa 2025 Indonesia Men’s Open kung saan nagtapos ito sa ikalimang puwesto.
Sa kabuuan, may $259,750 na si Biado sa taong ito.
Inaasahang madaragdagan pa ito dahil sasabak pa ang Pinoy champion sa Florida Open sa Agosto 5 hanggang 10 sa Orlando, Florida at sa US Open sa Agosto 18 hanggang 23 sa New Jersey.
Nasa ikalawang puwesto naman si Gorst na may kabuuang $174,600 na kinita tampok ang $100,000 sa kanyang runner-up finish sa World Pool 9-Ball.
Pasok sa ikatlo si Joshua Filler ng Germany na may $157,740 habang malayo sa ikaapat si Shane Van Boening ng Amerika na may $91,700 at ikalima si Kledio Kaci na may $80,050.
- Latest


















