Butas ng karayom
Matinik, baku-bako, mahirap ang landas na dadaanan ng Smart Gilas Phl team sa basketball competitions ng 16th Asian Games na ginaganap sa Guangzhou, China.
Ito’y naging evident sa knockout match pa lang kontra sa Kuwait kung saan dumaan sa butas ng karayom ang mga bata ni coach Tajko Toroman bago nanaig, 76-69. Bunga ng panalo ay nakarating sa main draw ang Pilipinas kung saan isa-isa nitong makakatagpo ang Iran, Qatar, Japan at Chinese Taipeh.
Bago kasi nagtungo sa China ang Smart Gilas Phl team ay maraming nagsabi na sisiw ang Kuwait at siguradong tatalunin natin ang team na ito. Kasi nga, nadagdagan pa ng tatlong proferssional players ang Phl team sa katauhan nina Asi Taulava na ipinahiram ng Meralco, Kelly Williams ng Talk N Text at Solomon Mercado ng Rain or Shine.
Pero hindi pala pushover ang kalaban. Aba’y tinakot nila tayo, e. Nakapagbigay ng magandang laban ang mga Kuwaitis at tumiklop lang sa dulo. Kumbaga’y nagkatalo ang dalawang koponan sa breaks sa endgame.
Biruin mong hanggang sa umpisa ng fourth quarter ay nakalamang pa ang Kuwait, 62-61.Mabuti na lang at nag-deliver sina Mario Lassiter, JV Casio at Williams
Nakakatakot iyon.
Kasi, kung natalo tayo sa Kuwait, aba’y uuwi na kaagad ang Phl team. Tanggal! Tsugi!
Ano yon?
Sayang naman lahat ng paghahanda nito, sayanglang ang perang ginastos ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at ng chief backer nitong si Manny V. Pangilinan.
Mabuti na lang at lumusot tayo sa knockout game.
Pero umpisa pa lang iyon. Kumbaga’y preview iyon ng mga pagsubok na kailangang malampasan ng Phl Team. Kasi nga, bukas pa lang ay makakaliskisan na sila. Biruin mong sa Iran kaagad sila mapapasabak sa unang game sa main draw. E ang Iran ay back-to-back champion ng FIBA Asia men’s tournament! Hindi basta-basta, ‘di ba?
Matagal-tagal na nga tayong hindi nananalo sa Iran gayung dati’y inilalampaso lang natin ang mga Middle Eastern teams. Patunay ito na talagang nag-improve na sila nang husto buhat nang sila’y unang tinuruan ng mga Filipino coaches sa pangunguna ng yumao nang si Rogelio “Tembong” Melencio. Ngayon nga, tayo pa ang umaangkat ng foreign coach.
Subalit kahit paano’y may nababanaagan tayong liwanag sa kasalukuyang programa ng SBP. Katunayan, malamang na talunin natin ang Iran dahil sa sila naman ang nagsisimula ng programa sa pagdala ng mga batang manlalaro sa Asiad.
Parang cycle lang naman iyan. Matagal na tayo sa ibaba. It’s about time na umakyat naman tayo.
Well, ang Asian Games ay isang torneo kung saan susukatin ang lakas ng Smart Gilas. Pero ang tunay nitong pinagtutuunan ng pansin ay ang FIBA Asia men’s tournament sa susunod na taon dahil iyon ang qualifer para sa London Olympics na siyang hangad nating marating.
- Latest
- Trending