MANILA, Philippines - Tuluyan nang nahubaran ng kanyang korona si Filipina Rubilen Amit matapos matalo sa Final Four sa 2010 Yalin Women’s World 10-Ball Championship kahapon sa Robinson’s Galleria.
Yumukod ang Southeast Asian Games double-gold medalist na si Amit kay dating world champion Ga Young Kim ng Korea, 5-9, sa kanilang semifinal duel.
Nakuntento na lamang ang 29-anyos na si Amit sa premyong $5,000 bilang semifinalist.
Kaagad na kinuha ni Kim ang 4-0 abante kontra kay Amit, ang silver medalist sa 2006 Asian Games sa Doha, Qatar.
Naagaw ni Amit ang fifth rack kasunod ang foul nito sa No. 4 ball na siyang sinamantala ni Kim para sa kanyang 5-1 lamang hanggang muling makalapit ang Filipina sa 5-7 agwat.
Ang scratch ni Amit sa kanyang sargo ang nagresulta sa pagwalis ni Kim sa mesa para muling lumayo sa 8-5.
“I just tried my best. She played great in her safety but I played it cool,” wika ni Kim, posibleng muli niyang makalaban si Amit sa 2001 Asoan Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
“Maganda yung banat niya especially sa mga dry breaks ni Kim. She has a strong game,” ani Amit, sasabak sa 8-ball at 9-ball events sa 2010 Asian Games.