MANILA, Philippines - Ipinakita agad nina Efren “Bata” Reyes, Jose “Amang” Parica at Warren “Warrior” Kiamco ang kani-kanilang determinasyong maiuwi ang korona makaraang sumargo ng panalo sa kanilang mga katunggali sa pagpapatuloy ng 35th Annual US Open 9-Ball Championship na ginaganap sa Chesapeake Conference Center sa Chesapeake,Virginia, USA, kahapon.
Pinataob ng dating World 9-ball at 8-ball champion na si Reyes ang mga kalabang sina Nick Tafoya 11-3 at Ben Judge 11-7, habang gumawa rin ng eksena si Parica, nang kanyang igupo sina Jason Johann 11-4 at Dave Bollman 11-8.
Pinarisan rin ni Kiamco ang tagumpay nina Reyes at Parica ng kanyang talunin sina Richard Burns 11-2 at Chris Bartram, 11-7, ayon sa pagkakasunod.
Sunod na makakalaban ni Reyes, ang 2010 Vigo Spain champion at 2010 International Predator 10-ball ang mananalo sa pagitan nina Roman Hybler at Tomoo Takano, at sasagupain naman ni Parica ang mangingibaw kina ex-World 9-ball ruler Daryl Peach at Gerda Hofstatter.
Umiskor rin ng panalo si Francisco ‘Django’ Bustamante kay Shawn Putnman, 11-9; pinayuko ni Ronnie Alcano si Justin Hall, 11-6, pinisak ni Alex Pagulayan si Levi Meiller, 11-6 at tinalo ni Lee Van Corteza si Alexander Fitzgerald, 11-5.
Nadiskaril naman si Dennis Orcollo, Antonio Lining, Jundel Mazon at Roberto Gomez.