Pagrepaso sa citizenship ni Douthit tatapusin ngayon, para maihabol sa RP team na lalahok sa Asian Games
MANILA, Philippines - Inaprubahan na ng Senate Committee on Justice ang House Bill 2307 na naggawad kay American cager Marcus Douthit ng Filipino citizenship.
Habang ang Senate Bill No. 2559 ay naipasa na sa committee level, kailangan pa itong aprubahan ng plenaryo at kailangang tapusin ngayong araw para makasama pa si Douthit sa line up ng Smart Gilas national team sa Asian Games sa ika-12 ng Nobyembre.
Kinakailangang maaprubahan na ang naturang bill dahil ngayon ang huling araw ng session ng Kongreso dahil sa kanilang tatlong linggong bakasyon.
Ayon kay Senate committee on justice chairman Francis Escudero, ang mga tao sa likod ni Douthit partikular na ang Samahang Basketbol ng Pilipinas ay kinakailangang makausap si President Benigno Aquino III upang mabigyan ito ng urgent status para maaksiyunan ito agad ng Kongreso ngayong araw.
Kung hindi ito magagawa ng SBP, ang pinakamaagang araw na maaksiyunan ng Kamara ang naturang bill ay sa ika-7 na ng Nobyembre na magiging mahirap para kay Douthit na mapabilang pa sa line up dahil kapag ito ay naaprubahan na ng Kongreso at nalagdaan na ng Presidente, kailangan muna itong mailathala sa dalawang pangunahing pahayagan.
Sinabi ng 6’11 star center ng Providence College sa mga Senador na siya ay mananatili sa bansa upang matulungan ito na makasiguro ng medalya sa Asian Games at ng puwesto sa 2012 Summer Olympics.
Bago kunin ang serbisyo ni Douthit, sinubukan na rin ng Smart Gilas national team na kunin bilang naturalization candidates ang mga Amerikanong sina CJ Giles at Jamaal Sampson.
- Latest
- Trending