Bombers binigo ang Cardinals para sagupain ang Stags sa isa pang KO game
MANILA, Philippines - Isa pang panalo ang kailangan ng Heavy Bombers para makaharap ang naghihintay na Red Lions sa championship series.
Ito ay matapos biguin ng Jose Rizal University ang Mapua Insititue of Technology, 60-54, upang makalaban ang nagdedepensang San Sebastian College-Recoletos sa stepladder semifinals ng 86th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa Arena sa San Juan.
Ang mananaig sa pagitan ng San Sebastian at Jose Rizal bukas ng alas-2 ng hapon ang siyang sasagupa sa San Beda, kinuha ang outright finals berth mula sa isang 16-game sweep, sa best-of-three title series.
Nagtulong sina 6-foot-7 Cameroonian center Joe Etame at PBA-bound Marvin Hayes sa final canto para sa nasabing panalo ng Mandaluyong-based cagers.
“He played big for us, he and Marvin Hayes, our veteran guy,” sabi ni Jose Rizal rookie coach Vergel Meneses kina Etame at Hayes, humugot ng anim sa kanyang 8 puntos sa payoff period.
Humakot si Etame na may 17 points at 6 rebounds para sa Heavy Bombers, habang may 10 marka si Alex Almario at 8 si Hayes.
Pinamunuan ni Erwin Cornejo ang Cardinals sa kanyang 16 points.
Sa Final Four sa juniors division, iginupo ng No. 1 San Beda Red Cubs ang No. 4 Letran Squires, 92-80, habang pinayukod ng No. 2 San Sebastian Staglets ang No. 3 Perpetual Junior Altas, 87-76, para ayusin ang kanilang best-of-three titular showdown.
Jose Rizal 60- Etame 17, Almario 10, Hayes 8, Lopez 7, Njei 4, Matute 4, Kabigting 4, Badua 2, Apinan 2, Montemayor 2, Bulangis 0.
Mapua 54- Cornejo 16, Guillermo 13, Banal 11, Mangahas 6, Sarangay 2, Pascual 2, Parala 2, Acosta 2, Ighalo 0.
Quarterscores: 19-13; 32-30; 42-42; 60-54.
- Latest
- Trending