MANILA, Philippines - Mas masidhi ang hangarin ng Ateneo na manalo kumpara sa Adamson.
Sa larong sumusukat sa determinasyon ng isang koponan, ipinakita ng two-time defending champion Eagles na mas gutom sila sa Falcons nang kunin ang 68-55 tagumpay sa 73rd UAAP men’s basketball Final Four kahapon sa Araneta Coliseum.
Si Eman Monfort ay mayroong 22 puntos, 7 rebounds, 3 assists at 3 steals, si Kirk Long ay naghatid ng 13 at si Nico Salva ay may 11 puntos, 7 rebounds at 2 blocks upang mapangunahan ang tropa ni coach Norman Black na hindi pinaporma ang bataan ni coach Leo Austria sa kabuuan ng labanan.
Isang 14-0 bomba ang nagtulak agad sa Ateneo sa 16-5 at mula rito ay hindi na nilingon pa ang Falcons. Ang pinakamalaking kalamangan nga ay naitala sa 60-39 ilang segundo bago natapos ang ikatlong yugto.
“Unlike last year, it was a long road for us to make it to the Finals. We have a log of ups and down this season,” wika ni Black.
Pero naipapakita ng kanyang bataan ang magandang laro kapag nalalagay sila sa pagsubok.
“We are playing the best basketball at the right time which is right now,” pagdidiin nga nito.
Ang Falcons na ninais na mawakasan ang 27-0 karta ng kalaban mula pa noong 1997 at nangangailangan ng panalo para makahirit ng rubbermatch ay walang naipakitang magandang laban dala ng napakasamang shooting.
Tanging si Lester Alvarez lamang ang may doble pigurang puntos sa itinalang 11 habang ang inaasahang si Alex Nuyles ay nalimitahan lamang sa apat na puntos.
Sa kabuuan ay mayroon lamang 17 of 63 shooting ang Falcons para sa nakakadismayang 27 shooting percentage.
Samantala, nagpakawala ng 24 puntos, limang rebounds, at tig-tatlong assists at steals si Kiefer Ravena upang pamunuan ang Ateneo Blue Eaglets sa 76-59 tagumpay sa UST at makopo ang ikatlong sunod na UAAP juniors title na pinaglabanan kahapon sa Araneta Coliseum.
Ang gaya ni Ravena na ga-graduate na sa taong ito sa juniors action na si Von Pessumal ay naghatid pa ng 15 puntos, 6 rebounds, 4 assists at 2 steal habang si Paolo Romero ay may 14 puntos at 13 rebounds para katampukan ang dominasyon ng Eaglets sa Tiger Cubs.
“This is the sweetest dahil ilang ulit na kaming nagtangka na maka-grandslam pero nabigo kami. Sa ikatlong pagkakataon ay nakuha namin ang 3-peat,” wika ni coach Jamike Jarin.
Ang kampeonato ay naglagay ng tuldok sa dominanteng paglalaro ng Eagles matapos manguna sa eliminasyon sa 14-0.
Natalo sila sa Game One, 71-77, pero bumawi sila sa ikalawang sagupaan sa 76-66 panalo.
Sina Ravena na hinirang na Finals MVP ay hindi magkakaron ng pagkakataong iselebra ang tagumpay dahil makakasama niya si Pessumal at Ferrer na lilipad ngayon patungong Yemen para samahan ang Nokia-RP Youth team na lalaro sa FIBA-Asia Under 18 championship.