Solo 3rd place pag-aagawan ng Green Archers, Falcons
MANILA, Philippines - Magkaroon ng winning momentum papasok sa mahirap na labanan sa Final Four ang pag-aagawan ngayon ng La Salle at Adamson sa pagpapatuloy ng 73rd UAAP men’s basketball ngayon sa Araneta Coliseum.
Kapwa may tangan na 8-5 karta ang Archers at Falcons pagpasok sa kanilang huling laro na itinakda ganap na alas-4 ng hapon.
Wala ng tsansa sa paghahabol sa twice-to- beat advantage matapos matalo sa kanilang huling laro laban sa mga talsik na katunggali, ang mananalo sa dalawang nabanggit ang ookupa sa ikatlong puwesto at siyang makakatapat ng number two team matapos and eliminasyon.
Ang talunang koponan sa tampok na sagupaan ang makakatapat naman ng mangungunang koponan.
Ang FEU at nagdedepensang Ateneo na nasa unang dalawang puwesto ay magkikita sa huling araw ng eliminasyon sa Sabado para madetermina kung sino ang maghahari sa double round elimination.
Nanalo ang bataan ni coach Leo Austria sa tropa ni coach Dindo Pumaren sa unang pagkikita, 70-68, pero tiyak na gagawa ng hakbang ang La Salle para makabawi at wakasan ng panalo ang kampanya sa eliminasyon.
Bago ito ay magkikita muna ang National University at UST ganap na alas-2 ng hapon at pareho rin silang mag-uunahan na bigyan ng respetadong pagtatapos ang di magandang kampanya sa taong ito nang parehong matanggal sa tagisan sa Final Four.
Bigo man ay may ipinagmamalaki pa rin ang Bulldogs dahil nakalikom sila ng anim na panalo sa naunang 13 laro na pinakamarami sa huling siyam na taon ng liga.
Magkakaroon nga sila ng pagkakataon na mapantayan ang pinakamagandang marka na 7-7 sa loob ng isang dekada kung mananalo sila sa Tigers.
Taong 2002 nang nakapagtala ng 7-7 panalo-talo karta ang Bulldogs.
- Latest
- Trending



















