Bulldogs kasado na sa Final Four
MANILA, Philippines — Pinamunuan nina Tebol Garcia at Reinhard Jum Samoy ang arangkada ng National University sa fourth quarter upang pagpagin ang makukulit na University of the East, 91-74, at masungkit ang puwesto sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball Final Four na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kahapon.
Umakyat ang rekord ng Bulldogs sa 9-3, na nagpahaba sa kanilang winning streak sa tatlong laro upang makuha ang semifinals berth at samahan ang University of the Philippines Fighting Maroons (9-2).
Ito ang ikalawang sunod na pagpasok ng NU sa semifinals matapos masungkit ang top seed noong Season 88, ngunit natalo sila sa pang-apat na De La Salle University na siyang lumaro sa finals at nagkampeon.
Nakitaan ng bangis ang Red Warriors sa unang dalawang periods kaya naman hindi nakalayo sa kanila ang Bulldogs na lamang lang ng apat na puntos, 46-50 sa halftime.
Natapyasan pa ng UE ang kanilang hinahabol sa third canto kung saan ay dalawang puntos na lang ang bentahe ng NU, 66-68 papasok ng fourth quarter.
Pero muling umarangkada ang Bulldogs sa payoff period dahil sa mabangis na opensa nina Garcia at Jumamoy para masikwat ang importanteng panalo.
Pinangunahan ni Garcia ang opensa para sa NU sa nirehistrong 20 poinst at pitong assists.
Sa huling laro, pinalakas ng Far Eastern University ang pagkapit sa pangatlong puwesto sa team standings matapos nilang silatin ang University of the Philippines, 71-68.
Dahil sa panalo ay nirehistro ng Tamaraws ang 7-5 karta para solohin ang pag okupa sa No. 3 spot.
- Latest




















