England sinuwerte sa Qatari
MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang pangingibabaw ng mga seeded teams sa ikalawang araw ng 2010 PartyPoker.net World Cup of Pool kahapon sa Midtown Wing ng Robinson’s Place sa Ermita Manila.
Kasama sa pinalad na makalusot ay ang fourth seed na England na binuo nina Karl Boyes at Daryl Peach nang mauwi ang 8-7 panalo sa Qatari na sina Bashar Hussain at Mohammad Al Bin Ali.
Unang nagtambal sa torneong ito na kinatatampukan ng 32 koponan buhat sa 31 bansa na naglalaban-laban para sa $60,000 unang gantimpala, kinailangang magpakatatag sina Boyes at Peach nang unang nakarating sa hill ang Qatar nang maipanalo ang 13th race dahil sa scratch ni Peach.
Pero nakatira at nanalo pa sa 14th rack ang England nang matawagan ang kalaban ng illegal break bago itinuloy ang tagumpay sa 15th rack matapos maipasok ni Boyes ang mahirap na tira sa red 3-ball.
Ang panalo ay nagpanatili sa England sa hangaring mahigitan ang naitala noong 2008 sa Netherlands nang sina Peach at Imran Majid ay tumapos sa ikalawang puwesto kina Li He-wen at Fu Jian-bo ng China.
“People think we should not miss but we aren’t machines. Everyone has an off day and that was an off day,” wika ni Peach.
Ang13th seed na sina Francois Cottance at Stephan Cohen na umiskor ng 8-5 tagumpay kina James Delahunty at Ricky Emery ng Australia upang maselyuhan ang pagkikita nila nina Peach at Boyles sa round of 16.
Ang tenth seeds na sina Naouki Oi at Toru Kuribayashi ng Japan ay nakaabante rin sa isa ring mahirap na 8-7 panalo kina Matjaz Erculj at Matej Sulek ng Slovenia, 8-7.
Samantala, magtatangka ngayon sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante na lumapit pa sa hangaring ikatlong kampeonato sa pagbangga kina Ricky Yang at Muhammad Zulfikri ng Indonesia.
- Latest
- Trending






















