Marquez pinaboran si Pacquiao vs Margarito
MANILA, Philippines - Mainit man ang paghahangad na makasukatan uli si Manny Pacquiao, pumapanig naman si Mexican boxer Juan Manuel Marquez sa natatanging boksingero na may pitong titulo sa magkakaibang dibisyon sa pagharap nito kay Antonio Margarito.
Parehong Mexicano sina Marquez at Margarito pero naniniwala si Marquez na angat sa laban si Pacquiao dahil sa kanyang bilis.
“His speed will be the difference against Margarito,” wika ni Marquez sa panayam ng ESPN Deportes Golpe a Golpe.
May karapatang magsalita ang 37-anyos na si Marquez dahil dalawang beses na niyang nakaharap si Pacquiao sa kanyang makulay na boxing career na kinatampukan ng 57 laban at 51 panalo.
Nagtabla ang dalawa sa unang laban noong 2004 habang nanalo sa split decision ang 31-anyos na si Pacquiao sa ikalawang pagtutuos noong 2008.
Pero isang bagay na nakita sa dalawang sagupaang ito ay ang angking bilis ni Pacquiao at ang pagtumba rin ni Marquez dala ng ilang malalakas na suntok na pinakawalan ni Pacman.
Hindi naman isinasara ni Marquez ang kakayahan ng 5’11 na si Margarito na manalo sa laban pero kailangan magpakita ito ng tactical fight at lumaban gamit ang kanyang bentahe sa reach.
Ang laban nina Margarito at Pacquiao na handog ng Top Rank ay itinakda sa Nobyembre 13 sa Cowboy’s Stadium sa Texas at ito ay para sa bakanteng WBC junior middleweight title.
Aakyat si Pacquiao, tangka ang kanyang ikawalong korona, taglay ang ring-record na 51-3-2 win-loss-draw kasama rito ang 38 KOs, samantalang bitbit naman ng 32-gulang na si Margarito ang 38-6-0, 27 KOs.
- Latest
- Trending