MANILA, Philippines - Kung mayroon mang bagay na gustong ituro ang Air21 kay No. 2 overall pick Rabeh Al-Hussaini, ito ay ang pagiging maunawain at mapagkumbaba.
Sinabi ni team manager Allan Gregorio na tiniyak niyang kukunin ng Express ang 6-foot-7 na si Al-Hussaini ngunit hindi niya ito pinangakuan na magiging No. 1 overall pick ng nakaraang 2010 PBA Rookie Draft.
At sa halip, ang kakampi ni Al-Hussaini sa Ateneo De Manila University na si 6’5 forward Nonoy Baclao ang tinanghal ng Air21 bilang top overall pick.
“Ang unang pagsubok kay Rabeh ay kung paano niya tatanggapin that he’s no longer in control,” ani Gregorio sa kanilang naging desisyon. “He is in control of what his efforts will be in the PBA but whatever decision that management will be coming up with, he is no longer be in control of that.”
Nakasama na ni Gregorio ang 22-anyos na si Al-Hussaini sa Smart Gilas ng Samahang Basketbol ng Pilipinas kung saan siya naging assistant ni Serbian coach Rajko Toroman.
Samantala, inaasahan namang makakaapekto sa pagdedepensa ng Derby Ace sa kanilang All-Filipino crown para sa darating na 2010-2011 PBA season ang injury nina Kerby Raymundo at Marc Pingris.
Kapwa sasailalim ang 6’6 na si Raymundo at ang 6’5 na si Pingris sa isang arthroscopic surgery sa Kerlan Jobe Clinic sa Los Angeles, California.
Para punan ang nabakanteng posisyon nina Raymundo at Pingris, hinugot ng Llamados ng bagong coach na si Jorge Gallent sina 6’4 rookie draftees Parri Llagas at 6’2 Val Acuna bukod pa ang pagtingin sa free agent pool.
Nakatakda nang pirmahan ni 2006 PBA MVP James Yap ang isang three-year, P12.6 million contract sa Derby Ace, habang pumayag na si 6’7 Rafi Reavis sa isang two-year contract extension sa kanilang pagbabalik mula sa US.