MANILA, Philippines - Hindi si Rabeh Al-Hussaini ang tinanghal na No. 1 overall pick kundi ang kanyang college teammate na si Nonoy Baclao.
Sa kabila nito, napasakamay pa rin ng Air21 ang 6-foot-5 na si Baclao at ang 6’7 na si Al-Hussaini bilang No. 1 at 2 overall picks ng 2010 PBA Rookie Draft kahapon sa Market! Market! sa The Fort sa Taguig City.
Ngunit hindi ito basta-basta natanggap ni Al-Hussaini.
“Insulto ‘yon, pero kahit anong mangyari ang importante nakuha tayo,” sabi ni Al-Hussaini, makakasama sa Express ang kanyang half-brother na si 6’5 Carlo Sharma.
Sina Al-Hussaini, nagdomina sa nakaraang PBA Rookie Camp, at Baclao ang siyang sinandigan ng Ateneo De Manila University para sa kanilang dalawang sunod na korona sa UAAP noong 2008 at 2009.
Ang tubong Bacolod City, nakapaglaro para sa Philippine Patriots sa Asean Basketball League (ABL), rin ang naging ikaapat na Ateneo Blue Eagle na naging top overall pick matapos sina Aguilar (2009), Rich Alvarez (2004) at Alex Araneta (1991).
Hinugot naman ng Air21 si 6’2 forward Rey Guevarra ng Letran College bilang No. 3 overall pick.
Ang iba pang nakuha sa first round ay sina 6’4 forward Elmer Espiritu ng University of the East (Alaska, 4th), Fil-Am guard Josh Vanlandingham (Rain or Shine, 5th), Fil-Am Sean Michael Anthony (Air21, 6th), NCAA Most Valuable Player John Wilson ng Jose Rizal University (Barangay Ginebra, 7th), Jimbo Aquino ng San Sebastian (Ginebra, 8th), Parri Llagas ng UE (Derby Ace, 9th) at Fil-Am Shawn Weisntein (Meralco, 10th).
Si Espiritu ay nasambot ng Aces, nagkampeon sa nakaraang PBA Fiesta Conference, matapos ibigay si 6’2 Larry Fonacier sa Talk ‘N Text bilang kapalit.
Nahugot naman ng Bolts si Weinstein matapos ipamigay sa Alaska si 6’1 Bonbon Custodio.
Sa second round ang mga napili ay sina Bam Gamalinda ng San Beda (Meralco, 11th), Rob Labagala ng UE (Ginebra, 12th), Val Acuña ng UE (Derby Ace, 13th), Ford Arao ng Ateneo (Meralco, 14th), RJ Jazul ng Letran (Rain or Shine, 15th), Khasim Mirza ng UST (Meralco, 16th), Borgie Hermida ng San Beda (Barako Bull, 17th), Jai Reyes ng Ateneo (Powerade, 18th) at Marvin Hayes ng JRU (Alaska, 20th).