Boxing license ni Margarito ibinigay na, wala nang atrasan!
MANILA, Philippines - Gagawa ng kasaysayan sa dami ng manonood sa Cowboy’s Stadium ang laban sa pagitan nina seven division world champion Manny Pacquiao at Antonio Margarito sa Nobyembre 13 (Nobyembre 14 sa Pilipinas).
Ayon sa promoter na si Bob Arum ng Top Rank, nakikita niyang lalampasan ang naitalang 50,000 boxing fans na nanood sa unang boxing card sa nasabing venue na kinatampukan nina Pacquiao at Joshua Clottey noong Marso 13.
“I think we can get north of 75,000 fans,” wika ni Arum.
“Look, we got a huge crowd with Clottey, a fighter nobody in North Texas knew anything about. Now we’ve got a Mexican fighter in an area with a big Mexican population,” paliwanag nito.
Tuloy na tuloy na ang nasabing sagupaan para sa bakanteng WBC junior middleweight title matapos bigyan ng boxing license si Margarito ng Texas Department of Licensing and Regulation.
“After a thorough review of his application, it was determined Mr. Margarito met the requirements of the Texas Combative Sports Act and Rules. Based on the review of the above information, I have authorized the issuance of a license to Mr. Margarito,” ani executive director William Kuntz.
Pinasalamatan naman ni Margarito ang pagpayag ng Texas na bigyan siya ng lisensya matapos maunang tanggihan ng California State Athletic Commission.
“I want to thank the state of Texas for granting me a boxing license which enables me to continue my passion for the sport of boxing in the United States,” pahayag ni Margarito sa isang statement.
Nakikita niya ang magandang laban sa pagitan nila ni Pacquiao at naniniwala rin na may sapat siyang kakayahan para biguin ang Pambansang kamao.
Nasuspindi si Margarito ng CSAC nang madiskubre na may ginamit siyang illegal na kemikal na nagpatigas sa balot ng kanyang mga kamao nang kinaharap at natalo kay Sugar Shane Mosley noong Enero 24 sa Staples Center.
Kaunting detalye na lamang ang isinasaayos ng Top Rank at matapos nito ay isasagawa ang Press Tour sa darating na Linggo.
Si Pacquiao ay sinasabing lilipad patungo ng US sa Linggo para makasama sa pag-aanunsyo sa laban na gagawin sa Los Angeles, New York at sa Dallas.
Nakatakda namang magsimula ang kanyang paghahanda sa Pilipinas mula Setyembre 20 at makakasama ni Pacman si trainer Freddie Roach, conditioning coach Alex Ariza at mga boksingerong sina Julio Cesar Chavez Jr., Vanes Martirosyan at Rashad Holloway.
- Latest
- Trending