LPU pasok sa ISAA men's volley finals

MANILA, Philippines - Binigo ng kampeong Lyceum of the Philippines University ang Feati University, 25-20, 22-25, 22-25, 25-21, 15-10, para angkinin ang unang finals ticket para sa 2nd Inter-Scholastic Athletic Association men’s volleyball tournament sa LPU Gym.

Winalis ng Lyceum ang five-game elimination round upang awtomatikong makapasok sa kanilang ika­lawang sunod na finals ap­pearance sa torneo.

Makaraang kunin ang first set, isinuko naman ng Lyceum ang second at third frame sa Feati, may 3-2 baraha ngayon at sasagupa sa isang playoff game.

Bumangon ang Lyceum nang dominahin ang fourth at deciding fifth set patungo sa kanilang tagumpay.

Makakatapat ng Feati ang La Consolacion-Manila (LCCM) sa isang ‘sudden death’ para sa karapatang makatagpo ang Philippine Women’s University, may 4-1 marka, na nagdadala ng ‘twice-to-beat’ edge.

Sa iba pang mga laro, winakasan ng Manila Doctors College ang torneo bitbit ang 1-4 baraha nang gitlain ang Manila Adventist Medical Center and College, 26-24, 14-25, 27-25, 24-26, 15-8.

Ang Feati ang punung-abala sa pamumuno nina Atty.Jose Yayen (president) ng La Consolacion College, Melanie Tolentino (vice president) ng Feati at MDC Student Affairs assistant director Ruel dela Rosa (treasurer).

Show comments