Tamaraws, Falcons lusot sa overtime
MANILA, Philippines - Sinamantala ng FEU ang pagbigay ng UE sa overtime tungo sa 83-77 panalo sa pagpapatuloy ng 73rd UAAP men’s basketball kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Namuro ang Warriors na makasilat sa ikalawang sunod na laro sa ikalawang ikutan nang bumangon sila buhat sa 41-23 pagkakalubog upang maitabla sa 72-all sa regulation dala ng buslo ng di gaanong ginagamit na si Erwin Duran.
Pero ang karanasan ng Tamaraws ang nangibabaw dahil nagtulong-tulong sina RR Garcia, Reil Cervantes at rookie Terence Romeo para ma-outscore nila ang bataan ni coach Lawrence Chongson sa limang minutong extension, 11-5.
May 23 puntos si Garcia habang kinapos naman ng isang rebound si Cervantes para sa isang double-double output sa ginawang 19 puntos at 9 rebounds.
“Grabe ang tawagan at mabuti na lamang at hindi masyadong inintindi ng mga bata ang bagay na ito,” wika ni FEU coach Glen Capacio na bumangon buhat sa 63-64 kabiguan sa Adamson sa huling laro upang maisulong ang nangungunang karta sa 8-1.
Mas matindi naman ang dinaanan ng Falcons nang mangailangan sila ng dalawang overtime bago nadagit ang 81-76 tagumpay sa UST sa ikalawang laro.
May apat na puntos na ibinagsak sina Jan Colina at Roider Cabrera matapos huling makapanakot sa 77-76 upang tuluyang alisan ng pangil ang Tigers at makuha ng Falcons ang ikapitong panalo sa siyam na laro.
- Latest
- Trending