MANILA, Philippines - Maliban kina Miguel Cotto at Antonio Margarito, isinasama si Timothy Bradley sa mga nagnanais na makalaban ni Manny Pacquiao sa kanyang pagbabalik ng ring sa Nobyembre 13.
Si Bradley ay itinapon sa posibleng makakalaban ni Pacquiao matapos manalo sa kanyang unang sabak sa welterweight division laban kay Luis Carlos Abregu noong Hulyo 17 sa California.
Dinomina ni Bradley ang WBO light welterweight champion, si Abregu tungo sa unanimous decision panalo sa labang tumagal sa loob ng 12 rounds.
Mismong si Bradley matapos ang laban ay naghayag ng hamon di lamang para kay Manny Pacquiao kundi kasama na si Floyd Mayweather Jr.
“I want to fight the best fighters in the world. Manny Pacquiao or even Floyd Mayweather,” wika ng 26-anyos na si Bradley.
Sinabi niyang wala siyang takot sa alinmang boksingero dahil naniniwala siyang kakayanin niya ang mga suntok ng mas tinitingalang boksingero.
Maging ang manager nito na si Cameron Dunkin ay nagsabing maaaring mangyari ang pagkikita nila ng Pambansang kamao at kanyang pinaniniwalaan na hahakot din ito ng manonood dahil na rin sa katotohanang naisasama ang pangalan ni Bradley sa mga talaan sa mga posibleng makasagupa ni Pacman.
Hindi pa natatalo si Bradley sa 27 laban bagamat may isang no contest. Kilala rin siya na nagtataglay ng mababangis na kamao sa kanyang 11 KOs.
Para naman kay Arum ay nangunguna pa rin sa kanyang talaan sina Margarito at Cotto lalo nga’t kasaysayan ang habol niya dahil ikawalong world title ang nakaumang kay Pacquiao sa nasabing sagupaan. (AT)