MANILA, Philippines - Pinalad si Francis Casey Alcantara na makaakabante pero hindi si Jeson Patrombon sa pagpapatuloy ng AEGON Junior International-Roehampton 2010 doubles event sa London.
Nagbunga pa rin ang tambalan nina Alcantara at Oliver Golding ng Great Britain ng kanilang kalusin and eight seeds na sina Filip Horansky at Jozef Kovalik ng Slovakia sa pamamagitan ng 4-6, 6-3, (10-5) panalo para makaabante sa quarterfinals.
Sunod na makakaharap ng dalawa sina second seeds Damir Dzumhur ng Bosnia/Herzegovina at Mate Pavic ng Croatia na pinagpahinga sina Sebastian Lopez ng Colombia at Thiago Moura Monteiro ng Brazil, 6-3, 6-3.
Binulaga naman sina Patrombon at Barrett Franks ng New Zealand ng mga wild card entries ng host London na sina Liam Broady at Tom Farquharson para mamaalam na sa torneo na nagsisilbi rin bilang huling tune-up bago ang Wimbledon Juniors Open mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 2.
Napanatili nina Broady at Farquharson ang tikas ng paglalaro na ipinamalas nang sibakin nila ang top seed na sina Duilio Beretta ng Peru at Roberto Quiroz ng Ecuador, 6-3, 6-3, sa first round sa kinuhang 6-3, 6-0, tagumpay kina Patrombon at Franks.
Bunga nito, inaasahang gagamitin ni Patrombon ang maagang pamamahinga para mas mapaghandaan ang Wimbledon na kung saan sila ni Alcantara ay parehong pasok sa 64-man main draw.