MANILA, Philippines - Handa si Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) president at Tagaytay City Mayor Abraham “Bambol” Tolentino na magdaos ng isang ‘unification tournament’.
Ito, ayon kay Tolentino, ay para sa kapakanan ng mga national riders na nagnanais na makalahok sa darating na 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
Sinabi ni Tolentino na noong nakaraang taon pa niya ipinanukala kay Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. ang nasabing unification tournament.
“Huwag nilang sabihin na sila ang nakaisip niyan kasi one year before Laos ‘yan na ang proposal ko sa kanila,” sabi ni Tolentino sa kanyang ginawang hakbang bago ang 25th Southeast Asian Games sa Laos noong Disyembre.
Sa kabila ng pagkilala kay Tolentino ng UCI, ang international cycling federation, hindi naman siya tinatanggap ni Cojuangco at ng POC bilang legal na pangulo ng PhilCycling.
Dahil sa kaguluhan, binitawan na ni Harbour Centre owner Mikee Romero ang pagiging pangulo ng isa pang cycling association na kumakalaban sa PhilCycling ni Tolentino.
Hindi nakalahok ang 13 national cyclists sa 2009 Laos SEA Games bunga ng hindi pagbibigay ni Tolentino ng basbas.
Kabilang sa mga miyembro ng PhilCycling ay sina road racers Victor Espiritu, Lloyd Reynante, Baler Ravina, Irish Valenzuela, Sherwin Carrera at John Mark Guevarra.
Isa lamang ang cycling sa mga National Sports Association (NSA)s na hindi pa rin nabibigyan ng solusyon ni Cojuangco hanggang sa ngayon.
Kasama na rito ang internal squabble sa sarili niyang equestrian federation.