Gomez, Laylo nagkasundo sa draw
TAGAYTAY City , Philippines --Nakipagkasundo sa draw si Dresden Olympiad veteran GM John Paul Gomez kay GM Darwin Laylo upang patuloy na makasalo sa liderato si GM Wesley So matapos ang sixth round ng 2010 Phoenix Petroleum ‘Battle of GMs” national chess championships dito sa Character Hotel.
Nagkasundo sa draw sina Gomez at Laylo matapos ang 16 moves ng Slav defense, habang nanalo naman si So via default kay GM Rogelio Antonio, Jr.
Hiniling ni Antonio, nagkampeon sa unang PSC chairman Harry Angping Cup rapid chess championships, na ipagpaliban ang kanilang laro ni So dahil sa masama niyang pakiramdam.
Subalit hindi naman ito pinagbigyan ni National Chess Federation of the Philippines (NCFP) executive/events director Willie Abalos at ibinigay kay So ang panalo.
Tangan pa rin ng second-seeded na si Antonio ang 4.0 points.
Kailangan naman ng tubong Calapan, Oriental Mindoro na si Gomez na ipanalo ang kanyang huling limang laro upang palakasin ang kanyang tsansa sa pagbulsa sa P200,000 top purse.
Napaganda ni Laylo sa 3.5 points ang kanyang rekord sa nasabing 11-round tournament.
- Latest
- Trending