Alcantara, Patrombon sibak na sa Belgium tourney

MANILA, Philippines - Hindi kinaya nina Jeson Patrombon at Francis Casey Alcantara ang husay ng mga top seeds na nakalaban upang mamaalam na sa 46th Astrid Bowl Charleroi Belgium International Juniors Championships.

Sinikap man na bigyan ng magandang laban sina Mate Zsiga ng Hungary at Jason Kubler ng Australia ay umuwi pa ring luhaan sina Patrombon at Alcantara nang yumuko sa straight sets sa round of 32.

Lumasap ng 1-6, 3-6, kabiguan si Pa­trombon kay Zsiga, ang number two seeds at number 11 sa mundo habang 4-6, 1-6, naman ang sinapit ni Alcantara kay Kubler ang top seed sa kanyang number 2 ran­king sa mundo.

Pakonsuelo na lamang nina Patrombon at Alcantara ang pagkakakuha ng ITF puntos sa Grade 1 event na ito matapos manalo sa kanilang unang laro laban kina Darian King ng Barbados at Robin Cam­bier ng Belgium sa round of 64 ayon sa pagkakasunod, para mapataas pa ang ka­salukuyang ranking ng dalawa na nasa 46th at 42nd.

Ang sunod na lalaruan nina Patrombon at Alcantara ay ang French Open Juniors sa susunod na linggo at bitbit nila ang ka­ranasang nakuha para sa hangaring mas magandang pagtatapos. 

Show comments