Immonen giniba ni Reyes sa US 10-Ball tourney
MANILA, Philippines - Pinangunahan ni Efren “Bata” Reyes ang kampanya ng Pilipinas sa 1st Annual Hard Times-Mezz Cues 10-ball Open nang manalo ng dalawang sunod sa larong isinasagawa sa Hard Times Billiards sa Bellflower, Los Angeles, California, USA.
Tampok na panalo ang kinuha ni Reyes kay dating US Open Champion at 2009 Player of the Year Mika “Iceman” Immonen ng Finland, 9-1.
Bago ito ay nangibabaw muna si Reyes, kasapi ng Hall Of Fame at isang double world champion na kabilang ng Puyat Stable laban kay Melinda Huang, 9-5.
Nakasama ni Reyes na may dalawang maagang panalo sina Lee Van Corteza at Ramon Mistica.
Si Corteza na naglalaro para sa Negros Billiards Stable ay binokya si Steve Chaplin, 9-0, bago hiniya si Ismael Paez, 9-1.
Si Mistica naman ay humirit ng 9-2 tagumpay kina Chris Tate at Abe Lim ayon sa pagkakasunod.
Dalawa pang Pinoy cue artist na sina Roberto Gomez at Warren Kiamco ay nanalo rin sa unang laban.
Si Gomez ng Bugsy Promotions ay kuminang laban kay Ezekiel Morrison, 9-4, habang dinurog ni Kiamco o si Steve Chaplin, 9-0.
Hanap ng mga Filipino cue artist na manalo sa torneo upang makabawi matapos mabigo ang mga inilaban sa World 8-ball Championships sa Qatar noong Marso.
- Latest
- Trending