4 na koponan mag-uunahan sa pagbangon
MANILA, Philippines - Apat na koponan ang mag-uunahan sa pagbangon mula sa nalasap na kabiguan.
Nakatakdang harapin ng Barangay Ginebra ang Air21 ngayong alas-5 ng hapon, habang magtatagpo naman sa alas-7:30 ng gabi ang Derby Ace at Rain or Shine sa eliminasyon ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference sa Araneta Coliseum.
Tangan ng nagdedepensang San Miguel Beermen ang liderato mula sa kanilang 7-1 rekord kasunod ang Talk ‘N Text Tropang Texters (6-2), Coca-Cola Tigers (4-4), Gin Kings (3-3), Elasto Painters (3-3), Llamados (3-2), Alaska Aces (3-3), Sta. Lucia Realtors (3-4), Barako Coffee Masters (2-6) at Express (1-6).
Nagmula ang Ginebra sa 81-86 pagyukod sa Alaska na tinampukan ng paglalaro nina Willie Miller at Cyrus Baguio para sa Gin Kings at Aces, ayon sa pagkakasunod, noong nakaraang Linggo.
Natalo naman ang Air21 sa Talk ‘N Text, 115-120, noong Mayo 1 para sa kanilang pang limang sunod na kabiguan.
Bukod kay Miller, muling ipaparada ng Gin Kings sina Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand, Ronald Tubid, Eric Menk, JC Intal at import Milton Ambres katapat sina import Reggie Lary, Mike Cortez, Ronjay Buenafe, Beau Belga, Ronnie Matias at Ren-Ren Ritualo, Jr. ng Express.
Si Ambres ang pumalit kay Awvee Storey sa Ginebra ni Jong Uichico, habang si Larry ang humalili kay Jason Forte sa Air21 ni Yeng Guiao.
Sa ikalawang laro, aminado naman si Rain or Shine coach Caloy Garcia na makakabalik sa kanilang pamatay na porma ang Derby Ace ni Ryan Gregorio.
Nanggaling ang Elasto Painters sa 97-105 pagyukod sa Beermen, samantalang nakatikim ang Llamados ng 72-80 pagkatalo sa naturang koponan rin ni Siot Tanquingcen.
- Latest
- Trending

















