MANILA, Philippines - Agawan sa unang panalo ang magaganap sa apat na koponang magtataas ng telon sa 7th Shakey’s V-League ngayon sa The Arena sa San Juan.
Magbabalik ang Thai import na si Keawbundit Sontaya sa Ateneo sa torneong ito at makikilatis ang kanyang magagawa para sa koponan sa pagharap sa St. Benilde sa pabuwenamanong aksyon ganap na alas-2 ng hapon.
Isang makulay na seremonya ang magaganap isang oras bago ang unang sagupaan sa torneong patuloy na binibigyan ng ayuda ng Shakey’s Pizza at inorganisa pa rin ng Sports Vision.
Ang UST na siyang nagdedepensang kampeon sa ligang binigyan din ng ayuda ng Mikasa Accel at Mighty Bond, ay mapapalaban naman sa FEU sa huling laro dakong alas-4.
Magbabalik sa Lady Tigresses si dating MVP Mary Jean Balse na tinulungan ang UST na manalo ng tatlong titulo bago namahinga ang koponan noong 2008.
Patok ang koponang hawak ni coach Shaq delos Santos matapos madomina nila ang huling dalawang conferences.
Makakaagapay ni Balse sina Aiza Maizo at Maru Banaticla na iginiya ang koponan sa UAAP volleyball title.
Sa kamay naman nina Ann Taganas, Shaira Gonzales, Numay Vivas at April Jose isasandal ang kampanya ng Lady Tamaraws na magnanais na mahigitan ang pinakamagandang pangatlong puwesto na pagtatapos sa torneo na naitala noong ikalimang conference ng naturang torneo.
Ang Lady Eagles ay ibinalik si Sontaya upang itambal sa kanilang guest player na si Charo Soriano para mapagtibay ang hangaring tagumpay.
Sampung koponan ang kasali sa torneo sa conference na ito at mahalaga ang bawat laro dahil single round robin lamang ang elimination round.