MANILA, Philippines - Sampu sa 12 Filipino cue artists, kasama na rito sina Dennis Orcollo at Jeffrey de Luna, ang umabante sa knockout stage ng Etisalat WPA World 8-Ball Pool Championship 2010 sa Fujairah, United Arab Emirates (UAE).
Tinalo ni Orcollo, ang kasalukuyang International Predator 10-Ball champion, si Ismael Yagob ng UAE, 8-6, sa kanilang do-or-die round.
Ang tagumpay ni Orcollo ang siyang nagpasok sa kanya sa knockout phase na Round of 32.
Muling makakasagupa ni Orcollo si Lee Van Corteza, tumumbok ng 8-5 panalo sa 2nd round nggroup stage match.
“Ganun talaga eh, y'un ang lumabas sa draw lots. Panalangin ko lamang sana Filipino pa rin ang palaring manalo sa World 8-ball sa taong ito,” sabi ni Orcollo.
Dalawang sunod na panalo naman ang tinipa ni De Luna para makasagupa si Indonesian Ricky Yang sa Last 32.
Para maitakda ang kanilang pagtatapat ni Yang, binigo muna ni De Luna sina Mustafa Hassan ng UAE, 5-8, sa opening round, si Chinese Hui Chan Lu, 8-6, at si Singaporean Kenny Kwok, 8-3.
Ang mananaig sa pagitan nina De Luna at Yang ang makakaharap naman kaninuman kina Orcollo at Corteza sa “Sweet 16.”
Ang iba pang Filipino na umabante sa Last 32 ay sina Ronnie Alcano, Antonio Gabica, Raymund Faraon at Joven Alba, habang nakalagpas naman sa do-or-die rounds sina Marlon Manalo, Venancio Tanio at Oliver Medanilla.
Tanging sina Kim Aquino at Ruben Bautista ang dalawang Pinoy na hindi nakaabot sa knockout stage ng World 8-Ball.