Francisco handa nang sagupain si Nuñez para sa WBA world title eliminator
MANILA, Philippines – Pagkakataong mapalaban sa world title ang isa sa magiging motibasyon ni Drian “Gintong Kamao” Francisco sa pag-akyat uli nito sa ring sa Abril 17 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ito ang unang laban ng 27-anyos tubong Agoncillo, Batangas sa taong ito at sasabak sa sagupaan buhat sa 10th round TKO panalo laban kay Roberto Vasquez noong Oktubre 3 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Makakasukatan ni Francisco ang subok na ring katunggali na si Ricardo “El Matematico” Nuñez ng Panama na siyang number one contender sa WBA at WBC super flyweight division.
“Mahalaga ang labang ito kay Drian dahil kapag manalo siya ay makukuha niya ang karapatang labanan ang kampeon sa dibisyon. Mismong si WBA president Gilberto Mendoza ang nagsabi na isa itong WBA title eliminator,” wika ni Elmer Anuran ng Saved By The Bell Promotion at adviser din ni Francisco.
Maigting na naghahanda na si Francisco sa ilalim ng Touch Gloves Boxing Gym trainer Benny dela Pena at mismong ang boksingero na hindi pa natatalo sa 18 laban kasama ang isang draw bukod sa 14 KO, ay kumpiyansa sa magiging resulta ng laban.
“Handang-handa ako sa labang ito at ayaw kong mapahiya sa harap ng ating mga kababayan,” wika nito.
Ang 22-anyos na si Nuñez ay hari rin ng WBA Inter-continental at Federation super flyweight titles at isang beses pa lamang natatalo sa 18 laban bukod sa 15 KO. - Angeline Tan
- Latest
- Trending