Patrombon pasok sa semis sa Japan Open
MANILA, Philippines - Bumangon si Jeson Patrombon buhat sa unang set na kabiguan para matakasan si Japanese qualifier Iori Uehara sa quarterfinals ng Dunlop Japan Open Junior Championships sa carpet courts sa Nagoya, Japan.
Ang 17-anyos na si Patrombon ay kinailangan ding magpakatatag sa second set na kanyang kinuha bago tuluyang nailabas ang tunay na paglalaro sa third set tungo sa 4-6, 7-5, 6-1, panalo laban kay Uehara.
Si Uehara ang ikalawang Japanese qualifier na nalampasan ni Patrombon sa mahirap na tagisan dahil dumaan din sa butas ng karayom ang natatanging Filipino netter na kalahok sa Grade I event na ito nang takasan si Yohei Ono sa second round, 7-6 (4), 7-6 (10).
Nag-bye sa first round, tinalo naman ni Patrombon, fifth seed sa kompetisyon sa kanyang 69th ranking sa mundo, si Adam Lee ng New Zealand sa third round, 6-2, 6-3, para makapasok sa quarterfinals.
Ang pambato ng bansa na lamang ang nakatayong seeded player matapos masibak ang tatlong iba pang rated players sa mga karibal.
Dalawa ngang seeded players ang namaalam sa kamay ng mga Hapon at ang qualifier na si Rikuto Furuta ay pinagpahinga ang second seed na si Ben McLachlan ng New Zealand, 6-3, 6-4.
Makakatapat ni Furuta sa semifinals ang kababayang si Hikaru Oshiro na sinibak ang seventh seed na si Chuhan Wang ng China.
Ang Koreanong si Lee Jae Moon ay nanalo naman kay 10th seed Libor Salaba ng Czech Republic, 6-2, 6-0, para itakda ang pagkikita nila ni Patrombon sa isang hati ng semifinals.
Ito ang ikatlong pagkakataon sa huling apat na ITF Grade I event na sinalihan ni Patrombon na umusad ito sa semifinals.
Bago ang Japan ay pumasok din si Patrombon sa Final Four sa Thailand at Malaysia pero nabigo siyang lampasan ito.
Ang isa pang torneong sinabakan nito ay ang Mitsubishi Lancer International Junior Tennis Championships at minalas si Patrombon na namaalam agad sa unang laban sa kamay ni James Duckworth ng Australia. (Angeline Tan)
- Latest
- Trending



















