1st Manila 5,000 Run inangkin ni Guarte
MANILA, Philippines - Pinagtibay ng mga mahuhusay na runners sa collegiate leagues ang kanilang estado bilang mga susunod na pambato sa running matapos mapagharian ang 1st Manila 5,000 Run na pinaglabanan nitong Linggo sa CCP Complex sa Pasay City.
Tampok na panalo ang kinuha ni Mervin Guarte ang MVP ng NCAA matapos kumuha ng apat na gintong medalya nang daigin ang mga beteranong sina Jujet De Asis at Alquin Bolivar sa elite class.
Naorasan ang 17-anyos na si Guarte sa bilis na 13 minuto at 10 segundo upang hiyain ang mga nakalabang kasapi rin ng Philippine Army na sina De Asis at Bolivar na tumapos sa bilis na 13:18 at 13:23.
“Dikit kaming tatlo at sa last 500 na lamang ako nakakawala sa kanila,” wika ni Guarte na nanalo rin ng P3000 na iniabot ng race organizer at dating marathoner na si Dino Jose.
Hindi naman nagpahuli si Serenata Saluan na dinomina ang women’s Open habang si Justine Tabunda naman ang nagdomina sa men’s open.
Nanalo ng pitong ginto sa UAAP at apat pa sa CHED National Games suot ang uniporme ng UST, si Saluan ay nagdomina mula simula hanggang natapos ang karera para sa nangungunang 16:17 tiyempo.
Pumangalawa si Nhea Ann Barcena sa 16:37 habang pumangatlo si Dalyn Carreon sa 16:46.
Si Tabunda naman ay nakahulagpos kay Michael Bacong at Ferdinand Corpus at ang una nga ay naorasan ng 13:27 habang 13:32 at 13:35 naman ang tiyempo ng pumangalawa at pumangatlo. (Angeline Tan)
- Latest
- Trending