MOSCOW, Russia — Muli na namang nauwi sa draw ang laban ni Filipino GM Wesley So sa sixth round ng 2010 Aeroflot Open chess tournament dito sa Hotel Gamma-Delta ng Ismailova Tourist Complex.
Nagkasundo sa draw ang 16-anyos na si So at GM Arman Pashikian ng Armenia matapos ang 52 moves.
Nauwi sa tabla ng laro nang makuha ng 24th-seeded na si Pashikian ang dalawang natitirang pawn ng 17th-seeded na si So, isinuko ang kanyang knight para sa dalawang pawns sa kanyang pang 30th move.
Dahil rito, ang high school student ng St. Francis College-Bacoor ay nakatabla sa fourth hanggang 14th places mula sa kanyang 4.0 points sa naturang nine-round tournament sponsored.
Nasa ilalim si So nina GM Boris Grachev ng Russia at GMs Le Quang Liem at Nguyen Ngoc Truong Son ng Vietnam na may magkakatulad na 5.0 points patungo sa huling tatlong rounds.
Katabla ni So sina defending champion GM Etienne Bacrot ng France, GM Arkadij Naiditsch ng Germany, GM Ivan Cheparinov ng Bulgaria, GM Giovanni Vescovi ng Brazil, GM Ian Nepomniachtchi ng Russia, GM Krishnan Sasikiran ng India, GM Artyom Timofeev ng Russia, GM Anton Korobov ng Ukraine, GM Boris Savcehnko ng Russia at Pahsikian.
Nasa ilalim naman ng grupo ni So ang 21 pang players, kasama rito sina top seed GM Maxime Vachier-Lagrave ng France, third seed GM Alexander Motlyev ng Russia, dating world championship candidate GM Gata Kamsky ng United States at 2009 co-champion GM Alexandr Moiseenko ng Ukraine.
Makakatagpo ni So sa seventh round si Timofeev.
Muli namang natalo si Filipino GM Darwin Laylo sa kanyang laro kay GM Yuriy Ajrapetjan ng Ukraine matapos ang 55 moves.