Peping inatasan si Hiso, Tolentino pinakakasuhan na
MANILA, Philippines - Irerekomenda ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. sa kanilang kinikilalang lehitimong cycling group ni Rolando Hiso na magsampa ng reklamo laban kay Tagaytay City Mayor Bambol Tolentino sa Court of Arbitration ng International Olympic Committee (IOC).
Sinabi ni Cojuangco na wala na siyang nakikitang solusyon hinggil sa pagmamatigas ni Tolentino sa kabila ng pagkilala ng POC sa kampo ni Hiso.
Kumpiyansa rin si Cojuangco na magiging madali lang ang proseso para sa pagdinig sa isasampang reklamo ng grupo ni Hiso kontra sa panunungkulan ni Tolentino sa Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling).
“Matatagalan ‘yan kung ang controversy ay hindi maliwanag. Meron na tayong court decision, ang constitution and by-laws natin ay nasunod. Everything is in order,” ani Cojuangco.
Inulan ng kritisismo si Tolentino nang hindi payagan ang 13-man national cycling team na makalahok sa nakaraang 25th Southeast Asian Games sa Laos noong Disyembre.
Ang tropa ay binubuo nina Marites Bitbit, Alfie Catalan, Irish Valenzuela, Jan Paul Morales, Eusebio Quiñones, Frederick Feliciano, March Aleonar, Joey Barba, Alvin Benosa, Scott Remie, Anna Marissa Remigio, Julius Bonzo at Ronald Gorantes.
Tatlo hanggang apat na gintong medalya ang inaasahan ng POC na masisikwat sa naturang koponan sa 2009 Laos SEA Games.
Hindi sumulat si Tolentino sa Union Cycliste International (UCI) at Asian Cycling Confederation (ACC) para makasali ang grupo sa nasabing biennial event.
Dahil sa inabot na kahihiyan ng cycling team sa Laos SEAG, napilitang magbitiw sa kanyang puwesto si Mikee Romero. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending