Russian rival pinisak ni So

MOSCOW, Russia -- Sa kanyang ginamit na pu­ting piyesa, naglista si Filipino Grand Master Wesley So ng panalo matapos biguin si GM Aleksander Rakhmanov ng Russia sa fourth round ng 2010 Aeroflot Open chess championship dito sa Hotel Gamma-Delta ng Ismailova Tourist Complex.

Tinapos ng 16-anyos na si So ang kanilang laban ni Rakhmanov sa loob ng 35 moves.

Sa pagtatapos ng laro, hawak ng 17th seeded na si So ang queen, bishop at limang pawns kumpara sa rook, dalawang bishop at anim na pawns ng Russian.

Bago ang panalo kay Rakhmanov nanggaling si So sa isang kabiguan kay GM Nguyen Ngoc Truong Son ng Vietnam sa third round.

Sa kanyang tagumpay, tumabla si So sa ninth hanggang 33rd places mu­la sa kanyang 2.5 points patungo sa huling limang rounds ng naturang torneo sa ilalim nina Nguyen at GM Le Quang Liem.

Tinalo naman ng 40th-seeded na si Nguyen si No. 20 seed GM Artyom Timofeev ng Russia, habang nag-draw sina Le at GM Ivan Cheparinov ng Bulgaria.

Show comments