Pacquiao sinabayan ni Van Damme sa pag-ensayo
MANILA, Philippines - Matapos si Steven Seagal, isa pang Hollywood action star ang dumalaw kay Filipino boxing hero Manny Pacquiao sa Wild Card Boxing Gym kahapon.
Nagtungo si martial artist Jean Claude Van Damme sa Wild Card Gym upang masilayan at personal na makausap ang Filipino world seven-division champion.
Sinabayan ng Belgian martial arts expert at Hollywood action star si Pacquiao sa pagsisimula nito ng kanyang ehersisyo.
Kagaya ni Seagal, inimbitahan rin ni “Pacman” si Van Damme na manood sa kanyang laban kay Joshua Clottey sa Marso 13 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Ang 50-anyos na si Van Damme ay nakilala sa kanyang mga pelikulang Bloodsport, Universal Soldier at Timecop.
Kamakailan ay binisita ni Seagal si Pacquiao sa tahanan nito sa Larchmont kung saan nila napag-usapan ang paggawa ng isang pelikula.
Maliban kay Van Damme, dumalaw rin kay Pacquiao sa Wild Card si Mexican Danny Trejo, gumaganap na kontrabida sa pelikula.
Sa kanyang pagpapabagsak kay Briton Ricky Hatton noong Mayo ng 2009, pinanood si Pacquiao ni Oscars winner Denzel Washington na nauna pang dumiretso sa dressing room ni “Pacman” matapos ang laban kay “Hitman”.
Kabilang sa mga Hollywood celebrities na nahumaling kay Pacquiao ay sina Lou Diamond Phillips, Mark Wahlberg at Mickey Rourke, isang dati ring boksingero. (RCadayona)
- Latest
- Trending