Reyes Master of the Table sa Derby Classic
MANILA, Philippines - May asim pa kung paglalaro ng bilyar ang pag-uusapan si Efren “Bata” Reyes.
Ipinamalas ni Reyes na kaya pa niyang sundan ang mabungang kampanya noong 2009 sa taong ito nang makapagdomina sa idinaos na 12th Annual Derby City Classic sa Horse Shoe Hotel and Casino sa Indiana, US.
Matapos mapagharian ang Fatboy 10-ball event ay isinunod ni Reyes ang titulo sa 9-ball na nagtulak din upang hirangin siya bilang Master of the Table sa 10-araw na torneo.
Bumangon si Reyes buhat sa pagkatalo sa second round nang kalusin sa semifinals si Shannon Murphy upang maitakda ang tagisan nila ni Rodney Morris para sa titulo.
Sa labanang ito lumabas ang husay sa paglalaro ni Reyes nang tanging ang tatlong dry breaks ang masasabing dungis na nasilayan tungo sa 7-4 panalo.
Ang panalo sa kompetisyong nilahukan ng 257 manlalaro ay nagkahalaga ng $16,000 pero higit dito ay nagresulta para hirangin din ang tubong Angeles, Pampanga bilang Master of the Table.
Ang Master of the Table ay ibinibigay sa manlalarong may pinakamagandang naitala sa lahat ng events na kasama sa Derby City Classic.
Ito ang ikalimang pagkakataon na nakuha ni Reyes ang nasabing parangal.
- Latest
- Trending


















