MANILA, Philippines - Handang-handa na si Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. para sa kanyang pagdedepensa ng suot na World Boxing Association (WBA) interim super flyweight crown sa “Pinoy Power 3/Latin Fury 12” sa Pebrero 13 sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada.
Sa isang media day sa kanyang training camp sa San Carlos, California, USA, ipinakita ng 26-anyos na si Donaire ang kanyang pamatay na porma.
Itataya ni Donaire, nagbabandera ng 22-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs, ang kanyang WBA interim super flyweight title laban kay Mexican challenger Gerson Guerrero (34-8-0, 26 KOs) slate.
Ikinasiya naman ni Mexican trainer Robert Garcia, humawak sa training ni Brian “The Hawaiian Punch” Viloria, ang pagiging kondisyon ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire.
Ang WBA interim super flyweight belt ay nakuha ni Donaire kay Rafael “El Torito” Concepcion ng Panama via unanimous decision noong Agosto 15 sa Hard Rock Hotel & Casino sa Las Vegas.
Maliban sa naturang korona, kasalukuyan ring hawak ni Donaire ang International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight titles.
Nasa undercard naman ng Donaire-Guerrero fight ang title eliminator nina world two-division titlist Gerry “Fearless” Peñalosa (54-7-2, 36 KOs) at dating WBA flyweight champion Eric Morel (41-2-0, 21 KOs).
“I know that it is going to be a good fight,” ani Morel sa kanilang laban ni Peñalosa para sa World Boxing Organization (WBO) interim bantamweight crown. “Everybody knows who Peñalosa is, how he has prepared. But this is my time and I have prepared to the maximum having worked hard with southpaws.”
Ang mananalo kina Peñalosa at Morel ang sasagupa sa mananaig kina Fernando Montiel, ang may hawak ng WBO bantamweight title, at Ciso “Kid Terrible” Morales. (RCadayona)