Sino ang haharap sa Purefoods?

MANILA, Philippines - Ito na ang magdedeter­mina kung sino sa Elasto Painters at Tigers ang si­sikwat sa huling out­right quarterfinals ticket.

Nakatakdang magtagpo ang Rain Or Shine at ang Coca-Cola ngayong alas-7 ng gabi sa isang ‘do-or-die’ game sa 2009-2010 PBA Philippine Cup sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Kumolekta si Sol Mercado ng 21 points, 4 rebounds at 3 assists sa 90-86 paggiba ng Elasto Painters sa Sta. Lucia Realtors noong Linggo na tumapos sa kanilang four-game losing slump.

Tumipa naman si Gary David ng 21 marka upang tulungan ang bagong koponang Tigers sa 118-112 paggupo sa dating tropang Burger King Whoppers.

Ang mananalo sa pagitan ng Rain Or Shine at Co­ke ang siyang hahamon sa naghihintay na Purefoods Tender Juicy Giants sa best-of-five quarterfinals series.

“We can’t be satisfied with this win. We still have to win on Wednesday, (ngayon),” sabi ni head coach Caloy Garcia sa kanyang Elasto Pain­ters.

Inaalagaan naman ng Tigers ni mentor Bo Pe­rasol ang kanilang iti­nayong four-game winning streak patungo sa inaasam na silya sa quarterfinal round ng torneo.

Nasa isa ring quarterfinals series ang nagde­depensang Talk ‘N Text laban sa Barangay Ginebra.

Ang Alaska at ang San Miguel ang umangkin sa dalawang outright semifinals berth mula sa pagiging No. 1 at No. 2 teams, ayon sa pagkakasunod, matapos ang elimination round. (RC)

Show comments